Personal na naranasan ni Committee on National Defense and Security Chairman Senator Panfilo “Ping” Lacson ang pagtaboy ng mga awtoridad ng China sa kanilang eroplano nang bumisita siya sa Pag-asa Island sa Kalayaan, Palawan nitong Sabado.
Sa video na inilabas ng Partido Reporma ay maririnig ang radio message ng nagpakilalang Chinese Navy at sinabing sakop ng kanilang military alert zone ang nililiparan ng eroplanong sinasakyan ni Senator Lacson.
Sila ay inuutusang agad umalis para maiwasan ang misjudgement at sinabing ang aksyon ng eroplano ay unfriendly at dangerous dahil bawal daw na magpatuloy sila ng paglipad sa nabanggit na lugar.
Naging kalmado naman ang dalawang piloto ng sinasakyang eroplano ni Senator Lacson na sina Capt. John Donguines at co-pilot nito na si Geo Villacastin ng Air Taxi Philippines.
Hinintay nila ang tawag ng mga awtoridad ng Pilipinas na nakabase sa Pag-asa control tower para kilalanin ang kanilang pagdating sa isla.
Naging tuloy-tuloy ang pagbabanta ng mga awtoridad ng China hanggang sa makalapit ang eroplanong sinakyan ni Lacson sa isla ng Pag-asa.
Sa Pag-asa Island ay iwinagayway ni Lacson at kanyang team ang watawat ng Pilipinas habang inaawit ang Lupang Hinarang at kanya ring kinumusta at kinonsulta ang mga residente doon at mga mangingisda na apektado ng tensyon sa West Philippine Sea.