Pumalag si National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Police Brig. Gen. Jonnel Estomo sa tila paninisi sa kanila ni suspended Bureau of Corrections (BuCor) Chief Gerald Bantag hinggil sa umano’y kapabayaan upang ma-secure ang middleman sa pagpaslang sa broadcaster na si Percy Lapid.
Sa isang ambush interview, iginiit ni Estomo na walang naging lapses ang PNP.
Katunayan, ilang oras lang matapos na sumuko ang gunman na si Joel Escorial ay agad niyang ipinahanap sa BuCor ang middleman na si Jun Villamor na nasa loob ng Bilibid.
Nakipag-ugnayan din sila sa pamilya nito sa Leyte kung saan nila nadiskubre na Cristituto Villamor ang totoo nitong pangalan.
Matatandaang namatay si Villamor sa loob ng Bilibid, ilang oras matapos na lumutang ang gunman na si Escorial.
“The fact na nag-coordinate kami, hindi na kailangan ng opisyal, kaya nga kinabuksan nag-utos ako, ‘magkaroon tayo ng letter kay General Bantag’ na sinagot naman niya na walang Crisanto Villamor. In fairness kay General Bantag, tama naman siya. Walang Crisanto Villamor, ang problema lang after presscon, bakit namatay yung June Villamor at hindi niya sinecure?” giit ni Estomo.
“Kung ako ang BuCor chief, lahat ng Villamor, I will secure. Kung 100 ‘man ang Villamor, secure, baka nasa kanila. Ipapatawag ko ang hitman, ituro sino dito, dapat ganon ang aksyon!” aniya pa.
Kasabay nito, sinagot din ni Estomo ang hinggil sa inilabas nilang 160 persons of interest kung saan kabilang dito si Bantag.
“Galing din sa’kin yun, sa SITG. Nag-create ako ng SITG. Inalam namin sino yung mga inatak ni Lapid. Umabot ng 160 personalities ‘yan, 400 attacks. Kaya lang, during the course of investigation, namatay nga, itong si Jun Villamor. Kaya gusto ko i-clarify ‘yan na kahit wala kaming official na close coordination with the BuCor, the same bago namatay yan, meron kaming contact sa BuCor,” dagdag pa niya.