
Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na hindi mauuwi sa anomalya ang pagpapatupad ng mga farm-to-market roads (FMRs), at hindi ito matutulad sa mga naging kontrobersyal na flood control projects.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., nakasalalay ang pangalan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ng pamunuan ng DA sa maayos na pagpapatupad ng mga proyektong ito kaya malinaw aniya ang utos ng pangulo na tiyaking mabilis, maayos, at dekalidad ang konstruksyon ng mga FMR.
Dagdag pa ng kalihim, magiging bukas at transparent ang proseso dahil may online portal ang DA kung saan maaaring makita ng publiko ang detalye at kasalukuyang estado ng bawat proyekto.
Bukod dito, binuo rin ang “FMR Watch” kung saan katuwang ng ahensya ang mga civil society groups sa pagbabantay at pagtiyak na tama ang paggamit ng pondo at maayos ang mga kalsadang itinatayo para sa mga magsasaka.










