Fish kill sa Laguna de Bay, pinapasilip sa Kamara

Pinapaimbestigahan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang mga insidente ng “fish kill” sa Laguna de Bay sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Sa House Resolution 2531, inaatasan ang House Committee on Aquaculture and Fisheries Resources at ang Committee on Ecology na magdaos ng pagsisiyasat ukol sa “natural at man-made causes” o mga posibleng sanhi ng mga fish kill.

Nakasaad sa resolusyon na naapektuhan na ng fish kill ang kabuhayan ng nasa 22,000 maliliit na mangingisda na lalo pang pinahirapan ng epekto ng pandemya.


Sa pag-aaral ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), 50% ng mga fish kill ay dahil na natural na rason, pero ang iba ay bunsod ng mga aktibidad ng mga tao gaya ng “chemical runoff, industrial wastes” at iba pa na kabilang sa mga pinagmumulan ng polusyon sa tubig.

Inihalimbawa rin sa resolusyon ang ulat ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) noong May 2020 na kung saan nawala ang nasa 275,000 kilos ng tilapia, bangus, at iba pang isda dahil sa fish kill habang hindi bababa sa ₱1.1-M ang lugi na iniulat ng nasa pitong fish pens sa Pililia, Rizal.

Noong Setyembre 2021 naman, sumulpot ang “algae blooms” o mga lumot sa Laguna de Bay, na nagresulta ng pagkamatay ng 70 kilo ng mga isda at nagdala ng mabahong amoy sa mga komunidad na nakatira malapit doon.

Facebook Comments