Fishing vessels at maritime assets ng China sa Kalayaan Group of Islands, pinawi-withdraw ng Pilipinas

Pina-aalis ng Pilipinas sa China ang fishing vessels at maritime assets nito sa Kalayaan Group of Islands sa West Philippine Sea.

Sa statement ng Department of Foreign Affairs (DFA), inihirit din nito sa China na itigil ang paninira ng kanilang fishing vessels sa kalikasan.

Naninindigan din ang Pamahalaan ng Pilipinas sa pagprotesta sa presensya ng Chinese fishing vessels at ang maritime assets nito sa nasabing karagatan.


Iginiit din ng DFA na ang Julian Felipe Reef sa Kalayaan Island Group ay nasa loob ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.

Malinaw rin anilang paglabag sa soberenya at sovereign rights ng Pilipinas ang presensya ng Chinese vessels sa maritime zone ng Pilipinas.

Taliwas din anila ito sa commitment ng Tsina sa ilalim ng International Law at ASEAN-China Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea.

Muli ring nanawagan ang Pilipinas sa China na gawin ang mga obligasyon nito bilang State Party to the 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS at tumalima sa kasunduan sa South China Sea Arbitration.

Nitong March 21 ay muling naghain ang Philippine Government ng panibagong protesta laban sa China.

Sa ilalim ng Duterte administration, 60 diplomatic notes na ang naipadala ng Pilipinas sa China.

45 dito ay sa ilalim ng panunungkulan ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr.

Sa 60 diplomatic notes ng Pilipinas, 48 lamang dito ang natugunan ng China.

Facebook Comments