Maglalabas ng hindi bababa sa 5,000 driver’s license card ang Land Transportation Office (LTO) bago ang gaganaping ikalawang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa July 24.
Sa isang press briefing, sinabi ni LTO Officer-in-Charge Assistant Secretary Hector Villacorta, na inaasahan nila na maglalabas ng 15,000 hanggang 30,000 card araw-araw sa loob ng 10 araw ang Banner Plasticard, Inc. bilang bahagi ng pangako nitong maghatid ng isang milyong card sa susunod na 60 araw.
Ipinaliwanag ni Villacorta na ang unang batch ng mga license card ay ipapamahagi sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at mga bagong driver’s license applicants.
Tiniyak din niya na ang Banner Plasticard, Inc., ay may kakayahang gumawa ng 15,000 hanggang 30,000 card araw-araw.
Sa kabilang banda, sinabi rin niya na maaari nang ma-access ng driver’s license holders ang kanilang electronic copies of licenses sa pamamagitan ng Land Transport Management System (LTMS) Portal.