Foreign assisted projects ng pamahalaan noong 2020, umabot sa $30.7-B — NEDA

Pumalo sa $30.7 billion o katumbas ng P1.5 trillion Official Development Assistance (ODA) ang natanggap ng Pilipinas noong 2020.

Ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA), mas mataas ito ng 46.6 percent kumpara sa $20.9 bilyon na foreign aid noong 2019.

Batay sa inilabas na ODA Portfolio Review Report ng NEDA, ang foreign assisted projects ng pamahalaan noong 2020 ay binubuo ng 30 program loans, 76 project loans, at 251 grants.


Pinakamalaking parte ng ODA o halos 45 percent ang napunta sa governance at institutions development sector, sinundan ng social reform at community development sector habang pumapangatlo ang infrastructure development sector.

Mayorya naman ng foreign aids ay inilaan para sa COVID- 19 response ng pamahalaan gaya ng procurement at delivery ng COVID-19 vaccines, emergency cash assistance program, pagbili ng medical supplies at equipment, at pagtatayo ng isolation at quarantine facilities.

Samantala, nangunguna pa rin ang bansang Japan sa may pinakamaraming naialok na Official Development Assistance sa Pilipinas na aabot sa $11.2 bilyon.

Facebook Comments