Nanindigan ang pamahalaan na patuloy na poprotektahan ang Ayungin Shoal laban sa pang-aangkin ng China.
Sa Laging Handa public briefing sinabi ni National Security Council Spokesperson Assistant Director Jonathan Malaya, na nagkaroon ng maraming opsyon ang gobyerno para sa patuloy na pagprotekta sa Ayungin Shoal at nang buong West Philippine Sea (WPS) na inaangkin ng China.
Pero ang mga opsyon aniya na ito ay hindi maaring isapubliko for security reasons.
Hintayin na lamang aniya ang anunsyo ng Malakanyang para sa mga susunod na hakbang matapos ang ginawang water canon o pambobomba ng tubig ng Chinese Coast Guard sa tropa ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Ayungin Shoal.
Nanindigan si Malaya na hindi kailanman aabandonahin ng Pilipinas ang Ayungin Shoal at wala rin aniya pangako noon sa China na aabandonahin ng Pilipinas ang Ayungin Shoal.
Magpapatuloy aniya ang resupply mission sa tropa sa BRP Sierra Madre dahil ang Ayungin Shoal ayon sa opisyal ay simbolo ng soberenya ng Pilipinas.