Muling tiniyak ni National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer at Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr. na walang pinapaburang bakuna laban sa COVID-19.
Sa pagdinig ng House Committee on Health, muling binigyang diin ni Galvez na hindi namimili ang gobyerno ng bansa at brand ng COVID-19 vaccine.
Katunayan aniya aabot na sa 148 million doses ng COVID-19 vaccines mula sa pitong kumpanya na Novavax, AstraZeneca, Pfizer, Janssen, Moderna, Gamaleya at Sinovac ang kanilang nakuha para sa bansa.
Sinisiguro rin ni Galvez na mayroong “fair mix” ang publiko para sa mapagpipiliang bakuna at hindi lamang ang Sinovac.
Tanging ang mga bakuna na inindorso ng vaccine expert panel ang maaari lamang bilhin at tiniyak din na abot-kaya ang presyo ng bakuna para sa mga Pilipino.
Samantala, sinabi naman ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na makakamit ngayong taon ang ‘herd immunity’ kung may sapat na global supply ng COVID-19 vaccines.
Pero sa kasalukuyan, 80% na ng global supply ng COVID-19 vaccines ay nabili na ng mga mayayaman at malalaking bansa tulad sa Canada na pitong beses ng dami ng populasyon nila ang biniling doses ng bakuna, ang Australia at UK ay 5 times naman ng dami ng populasyon, habang ang US, Japan, at Uzbekistan ay dalawang beses ng dami ng populasyon nila ang biniling suplay ng COVID-19 vaccine.