Umakyat na sa P269.1 million ang halaga ng pinsala sa agrikultura sa Cordillera Administrative Region (CAR) at Ilocos Region na dulot ng magnitude 7 na lindol sa Tayum, Abra noong July 27.
Ayon sa Department of Agriculture (DA), kabilang sa mga nagtamo ng pinsala ang irrigation systems, farm-to-market roads at farm structures.
Wala namang naiulat na pinsala sa mga pananim.
Ayon sa DA Regional Field Office CAR, nasa 63 na agricultural facilities na ang napinsala dulot ng pagguho ng lupa.
Base naman sa assessment ng National Irrigation Administration (NIA), dalawang National Irrigation System (NIS) at 24 na Communal Irrigation System (CIS) /projects sa CAR at apat na NIS at 24 CIS sa Region 1 ang napinsala.
Wala namang naitalang damage sa Pantabangan at Magat dam.
Sinabi ng DA na hindi naman naabala ang pagdala ng food at agricultural commodities dahil binuksan na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga kalsada.
Noong Hulyo 29 hanggang 30, nagdala ang DA, CAR at RFO ng dalawang Kadiwa truck para magbenta ng 12.86 metrikong tonelada ng mga gulay at iba pang pagkain sa murang halaga kung saan naserbisyuhan ang nasa 1,455 households.
Nagpadala naman ang BFAR-CAR at DA RFO ng 1 Kadiwa truck na may 2 metrikong tonelada ng fish products at iba pang lowland commodities.
Ayon naman sa National Food Authority (NFA), sapat pa ang suplay ng bigas para sa relief operations sa CAR, Regions 1, 2 at 3.