Handang handa na ang Philippine National Police (PNP) para sa pag-uumpisa ng panahon ng kampanya kaugnay ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ayon kay PNP Public Information Office Chief PCol. Jean Fajardo, aabot sa 187,000 mga pulis ang kanilang ipakakalat sa buong bansa para tiyakin ang kaayusan at kaligtasan ng eleksyon.
Aniya, paiigtingin ng PNP ang paglalatag ng mga checkpoint upang masigurong walang magtatangkang magpuslit ng baril dahil narin sa umiiral na gun ban gayundin para makatulong sa kanilang anti-criminality campaign.
Mahigpit aniya ang atas ni PNP Chief PGen. Benjamin Acorda Jr., sa mga tauhan nito na pairalin ang maximum tolerance at ang plain view doctrine sa pagsasagawa ng checkpoint.
Nabatid na mula alas-12:01 ng hatinggabi ng Oktubre 19 magsisimula ang campaign period na tatagal naman hanggang Oktubre 29.