Halos 500 biktima ng human trafficking at illegal recruitment, nai-rescue ng BI

Tinatayaang nasa 495 na biktima ng human trafficking at illegal recruitment ang nailigtas ng Bureau of Immigration (BI) hanggang nitong ikatlong kwarter ng taon.

Ito ay sa kabila ng travel restrictions dulot ng nagpapatuloy na COVID-19 pandemic.

Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, nai-rescue ang mga biktima mula Enero hanggang Setyembre ngayong taon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at mga paliparan sa Clark, Pampanga, at Cebu.


Sa nasabing bilang, 325 ang biktima ng human trafficking na hawak na Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa imbestigasyon at pagsasampa ng kaso sa mga nasa likod ng krimen.

Habang inendorso na rin sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang 170 indibidwal na biktima naman ng illegal recruitment.

Samantala, aabot naman sa 8,413 biyahero ang deferred departure sa kaparehong buwan na pawang mga improperly documented.

Facebook Comments