Napuno ng mga dilaw na bulaklak, lobo at kandila ang harapan ng tahanan ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa Times Street, Quezon City.
Alay ito ng mga taga-suporta ng dating presidente ng bansa na yumao kahapon ng umaga.
May mga dilaw at itim na ribbon din na itinali sa bakuran ng Ateneo De Manila University sa harap ng katipunan avenue, kung saan nag-aral si Aquino mula elementarya hanggang kolehiyo.
Sinindihan naman ng kulay asul, dilaw at pulang mga ilaw ang harapan ng St. La Salle Hall sa Taft Avenue bilang pagsaludo sa dating pangulo.
Maging ang center island ng España Boulevard, sinabitan din ng mga yellow ribbon habang ilang billboard sa EDSA ang naglagay din ng tanda ng pagluluksa kay PNoy.
Kahapon, una nang inilagay sa half-mast ang watawat ng Pilipinas sa iba’t ibang tanggapan ng gobyerno at mga city hall.