Hatian ng mga committee chairmanship sa Senado para sa 19th Congress, halos plantsado na

Nagpatawag kahapon ng dalawang batch ng pulong si incoming Senate President Juan Miguel Zubiri kung saan tinalakay ang hatian ng chairmanship sa 40 mga komite sa Senado sa ilalim ng 19th Congress.

Sabi ni Zubiri, napagkasunduan nila na si Senator Francis Tolentino ang maging Chairman ng Blue Ribbon Committee at ang mga komite ukol sa Justice and Human Rights at Science and Technology.

Mananatili naman kay Senator Sonny Angara ang Finance at Youth Committees habang si Senator Nancy Binay pa rin ang Committee on Tourism pati ang Committee on Accounts.


Si Senator Ronald “Bato” dela Rosa pa rin ang hahawak sa Committee on Public Order at kanya rin ang Special Committee on Marawi and Rehabiltiation and Victim’s Compensation.

Kay Senator JV Ejercito naman ang mga komite para sa Local Government at Urban Planning, Housing and Resettlement habang magiging Chairman naman ng Committee on Higher Technical and Vocational Education (Tech-Voc) si Senator Chiz Escudero.

Mamumuno naman sa Committee on Labor at National Defense and Security si Senator Jinggoy Estrada habang kay Senator Win Gatchalian naman ang Committee on Ways and Means at kanya pa rin ang Committee on Basic Education.

Mananatili rin kay Senator Christopher “Bong” Go ang Committee on Health at Sports, habang kay Senator Lito Lapid ang Committee on Games and Amusement.

Si Senator Imee Marcos, 4 na committee ang hahawakan na kinabibilangan ng Foreign Relations, Cooperatives, Social Justice at Electorial Reforms and Peoples’ Participation.

Kay Senator Robin Padilla napunta ang Committee on Constitutional Amendments gayundin ang Committee on Public Information and Mass Media.

Kay Senator Grace Poe naman ang mga committee ukol sa Public Service at Economic Affairs habang kay Senator Ramon “Bong” Revilla Jr., ang Committee on Public Works at Committee on Civil Service.

Si Senator Raffy Tulfo ang magiging chairman ang Committee on Energy pati ang Committee on Migrant Workers habang mananatili naman kay Senator Cynthia Villar ang mga committee ukol sa Agriculture at Environment.

Si Senator Mark Villar naman ang mamumuno sa Committee on Trade at Committee on Banks.

Facebook Comments