Naisaayos ng Inter Agency Council for Traffic (IACT) ang mga bus partikular na sa EDSA.
Ito ang pagbibigay-diin ni IACT Chief Charlie del Rosario matapos tanungin kung ano ang major achievement nila sa ilalim ng Duterte administration.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Del Rosario na kung dati ay pasaway ang mga bus at kung saan-saan lamang nagbaba at nagsasakay ng mga pasahero, ngayon ay nakahiwalay na ang linya ng mga ito at nasusunod na rin ang tamang loading at unloading area.
Sinisiguro rin ng kanilang mga kawani na nasusunod ang health and safety protocols sa mga pampublikong transportasyon.
Ayon pa kay Del Rosario, ang IACT ang naging susi upang magkaroon ng malinaw na koordinasyon ang mga law enforcer tulad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Land Transportation Office (LTO) at Highway Patrol Group (HPG) para sa maayos na pagpapatupad ng batas trapiko lalo na sa kahabaan ng EDSA.
Maliban dito, tinutugunan din nila ang mga concern sa road transport tulad ng masikip na daloy ng trapiko, colorum operations, road safety, paglabag sa batas trapiko gayundin ang pagresponde kapag mayroong mga aksidente sa kalsada.