Ikalawang linggo na bawas-presyo sa produktong petrolyo, inaasahang sasalubong sa mga motorista sa susunod na linggo; presyo ng LPG, nagbabadyang tumaas sa pagpasok ng November

Good news sa mga motorista!

Naka-amba na naman muli ang panibagong rollback sa presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo.

Ayon kay Department of Energy – Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB) Director Atty. Rino Abad, posibleng nasa lagpas P0.90 kada litro ang bawas-presyo sa diesel at nasa P0.51 naman kada litro sa gasolina.


Habang, nasa P0.67 kada litro naman ang tapyas sa presyo ng kerosene.

Karaniwang inaanunsyo ng mga kompanya ng langis ang oil price adjustment tuwing araw ng Lunes at nagiging epektibo ito tuwing Martes.

Muling iginiit naman ni Abad na hindi minamanipula ng pamahalaan o kompanya ng langis ang presyuhan ng produktong petrolyo sa bansa.

Samantala, kung may rollback, nagbabadyang tumaas naman ang presyo ng liquefied petroleum gas (LPG) sa susunod na linggo.

Batay sa pagtataya, maglalaro sa P1 hanggang P2 kada kilo o P11 hanggang P22 kada regular na tangke, pero sa Lunes pa malalaman ang pinal na galaw sa presyo nito.

Sinabi ni Republic Gas Corporation (REGASCO) President Arnel Ty na dulot ito ng pagsipa ng demand dahil sa bawas ng produksyon at pagsisimula ng winter season sa Europa.

Facebook Comments