Muling aarangkada ang Manila Film Festival ngayong taon.
Ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan, magiging kakaiba ang ikalawang taon ng Pista ng pelikula sa Lungsod ng Maynila dahil gagawin ito sa pamamagitan ng short film.
Naniniwala ang alkalde na mas magiging epektibo ito lalo na sa mga kabataan na itinuturong pag-asa ng bayan at ng Lungsod ng Maynila.
Ngayong taon, may temang “Manila in me” ang film festival kung saan ibibida ang pagmamahal sa lungsod sa pamamagitan ng mga malikhaing isipan.
Ilulunsad ang premier night ng Manila Film Festival ngayong June 4 habang ipapalabas ito sa mga sinehan sa Maynila simula sa June 5.
Nasa walong pelikula ang kalahok sa Film Festival na layon ding palakasin at buhayin ang industriya.
Bahagi pa rin ito ng selebrasyon ng anibersaryo ng pagkaka-tatag ng Maynila sa June 24.