Pinapatiyak ng pamunuan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa mga paliparan sa Northern Luzon ang kaligtasan ng mga paliparan at mga pasahero dahil pa rin sa banta ng Bagyong Goring.
Batay sa inilabas na direktiba ni CAAP Director general Captain Manuel Antonio Tamayo, pinapa-monitor nito sa mga Airport manager ang kalagayan ng mga paliparan na nasa mga lugar na naapektuhan ng bagyo.
Kinabibilangan ito ng Tuguegarao Airport, Basco Airport, Itbayat Airport, Cauayan Airport, Palanan Airport at mga airport ng Laoag, Vigan, at Baguio.
Nauna nang naglabas ang CAAP ng direktiba sa mga nasabing paliparan na kanselahin na kaagad ang mga biyahe sa na unang nakatakda upang agad makaiwas sa anumang hindi kanais-nais na insidente.
Kasabay nito ay inabisuhan ni Tamayo ang publiko na makipag-ugnayan ng maaga sa mga airline companies’ para sa anumang pagbabago sa kanilang mga biyahe.
Pinapatiyak din ng opisyal sa mga airline companies na agahan ang paglalabas ng abiso upang agad maimpormahan ang kanilang mga kliyente.