Positibo sa COVID-19 ang ilang myembro ng Partido Demokratiko Pilipino – Lakas ng Bayan o PDP-Laban kung kaya’t hindi nakadalo nang personal sa kanilang national convention.
Ito ang sinabi ni PDP-Laban Sec. Gen. Atty. Melvin Matibag bagama’t hindi na niya pinangalanan ang mga ito bilang pagrespeto sa kanilang privacy.
Ayon kay Matibag, limitado lamang sa 400 ang imbitado bagama’t ang venue ay kayang mag-accommodate ng hanggang 2,500 na mga indibidwal.
Aniya, isinaalang-alang nila ang pagsunod sa health protocols tulad ng social distancing dahil mas kaunti pa sa 50% venue capacity ang kanilang inaprubahang dumalo sa convention.
Kinakailangan ding nakapagpresinta ng negatibong RT-PCR test result ang mga bisita.
Habang sa loob ng venue, dalawang tao lamang ang nakaupo nang magkatapat sa isang mesa at may kani-kaniyang glass panel bilang dagdag proteksyon, maliban pa sa mga suot nilang face mask at face shield.
Nabatid na gaganapin sana ang national convention sa San Miguel, Bulacan pero dahil Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang quarantine status sa lugar, inilipat na lamang nila ito sa San Fernando, Pampanga na sakop ngayon ng Modified General Community Quarantine (MGCQ).