Kinumpirma ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na hindi bababa sa 30 pamilya ang inilikas mula sa dalawang barangay sa Cebu City dahil sa malalaking bitak ng lupa.
Nabatid na kabilang sa mga apektado ang 22 pamilya sa Barangay Budlaan na sapilitang pinaalis sa kani-kanilang mga tahanan dahil sa panganib ng pagkakaroon ng landslide.
Hinihinalang lumambot ang lupa at nagkabitak-bitak dahil sa walang tigil na buhos ng ulan nitong mga nakalipas na araw.
Maliban dito, inilikas din ang 10 pamilya na nakatira sa tabi ng ilog sa Barangay Buhisan bilang preemptive measure laban naman sa posibleng pagbaha.
Kasalukuyang tumutuloy ang mga apektadong pamilya sa barangay evacuation center at inaalalayan ng Department of Social Welfare and Services ng lungsod.