Umaapela ang pamahalaang lokal ng Iloilo sa national government na buhusan din sila ng bakuna kontra COVID-19.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Iloilo Mayor Geronimo “Jerry” Treñas na dahil sinunod ng national government ang rekomendasyon ng Octa Research Group na ilaan ang majority ng COVID-19 vaccines sa National Capital Region o NCR Plus kung kaya’t nagkaroon ng pagtaas ng kaso sa mga probinsya.
Ayon pa kay Treñas, unti-unti nang bumababa ang kaso sa NCR Plus 8 dahil andoon ang bulto ng mga bakuna.
Kaya apela nito sa National Task Force (NTF) lalo na kay Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez na ‘wag silang kalimutan sa probinsya dahil apektado rin sila ng virus.
Sa ngayon, nasa halos 40,000 o 10% pa lamang ng kabuuang populasyon sa Iloilo ang bakunado na kung saan pinuna ni Mayor Treñas na masyadong malaki ang agwat kung pag-uusapan ang dami ng bilang ng mga bakunado sa Metro Manila.
Sa ngayon, mag-iisang buwan nang nasa ilalim ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang Iloilo dahil sa dami ng kaso ng COVID-19 sa lugar.
Samantala, maliban sa COVID vaccines, nais ding magpadagdag ni Mayor Treñas ng medical health workers at mga equipment tulad ng mechanical ventilators, oxygen canula at mga gamot tulad ng Remdesivir.