Dismayado si Atty. Larry Gadon sa agarang pagbasura ng committee on justice sa impeachment complaint laban kay Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen.
Aniya, malungkot ang araw na ito dahil malaki ang epekto nito sa tunay na diwa ng demokrasya.
Ani Gadon, nabigo ang committee na gampanan ang kanilang constitutional duty para mapalitaw ang katotohanan.
Hindi naman aniya naging malaking isyu sa kaso noon ng natanggal na chief justice ng Korte Suprema na si Ma. Lourdes Sereno ang paglakip ng authentic records sa compĺaint.
Nagawa pa nga aniya noon na ipa-subpoena ang mga dokumento sa Supreme Court, Bureau of Internal Revenue at University of the Philippines.
Binigyan diin ni Gadon na dahil sa pagbasura ng komite sa reklamo, di malayong mas mahirap nang umusad ang proseso ng kahit sinong ordinaryong mamamayan na ipursige ang anumang reklamo sa sinumang impeachable officials.