Isinulong ni dating House Speaker at Davao del Norte 1st District Representative Pantaleon “Bebot” Alvarez na mailipat tuwing May 18 ang nakagawiang selebrasyon ng ating Independence Day tuwing June 12.
Giit ni Alvarez, nang iwagayway ni General Emilio Aguinaldo sa Kawit, Cavite ang watawat noong June 12, 1898 ay tuloy pa rin ang digmaan dahil hindi pa natin natatalo ang mga Kastila kaya mali na sabihin na malaya na tayo noon.
Diin ni Alvarez, nakamit natin ang totoo at lubos na kalayaan noong May 18, 1899 matapos sumuko kay General Vicente Alvarez ang pinakahuling Spanish general na si Diego de los Rios.
Para kay Alvarez, dapat malaman at kilalanin ng mga Pilipino na si General Alvarez ang nagpasuko sa huling Spanish Governor General kung saan binaba ang watawat ng Espanya, at tinaas ang watawat natin.
Ayon kay Alvarez, mahalaga ang inclusive na kasaysayan kung saan hindi lang taga-Luzon ang mga bayani dahil maraming lumaban na taga-Visayas at Mindanao.
Dagdag pa ni Alvarez, ang ating mga bayani ay hindi lang Kristiyano, dahil marami rin ang mga Muslim na hindi natalo ng mga mananakop na Espanyol at Amerikano.