Umabot na sa 1.2 milyong piso ang inisyal na halaga ng pinsala kasunod ng volcanic smog o pagbuga ng usok mula sa Bulkang Taal.
Ang volcanic smog o vog ay dulot ng ibinubugang sulfur dioxide o asupre ng bulkan.
Sinabi ni Batangas Provincial Agriculture Office Head Rodrigo Bautista na naturang halaga ay mula pa lamang sa mga bayan ng laurel at lian.
Ayon kay Bautista, wala pang report mula sa mga bayan ng Agoncillo at Talisay ngunit ayon sa mga magsasaka ay natutuyo na rin ang mga dahon ng kanilang mga tanim.
Maliban sa mga nabanggit na lugar ay apektado na rin aniya ang mga bayan ng Agoncillo at ilang lugar sa Tagaytay City sa Cavite.
Batay sa datos ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), umabot sa 12,125 tonelada ang ibinugang asupre ng Bulkang Taal nitong miyerkules na siyang pinakamarami na naitala simula nang isailalim ang bulkan sa Alert Level 1 noong Hunyo 11.