Hiniling ni Senator Risa Hontiveros na i-realign ng Department of Education (DepEd) ang kanilang intelligence fund sa Indigenous People’s (IP) education program.
Ginawa ng senadora ang kanyang hirit sa gitna ng pagdinig sa ₱666.25 Bilion na pondo ng DepEd sa 2023.
Tinanong ni Hontiveros si Education Secretary at Vice President Sara Duterte kung bukas ito para i-reallocate ang ilan sa confidential funds para pondohan ang IP education program.
Ang IP education program ay isa sa mga programa ng ahensya na tinapyasan ang pondo.
Ayon kay VP Duterte, magagawa nila “internally” ang realignments sa pondo para mabigyan ng alokasyon ang mga programa at aktibidad ng ahensya na nangangailangan ng budget.
Inusisa rin ni Hontiveros si Duterte kung sa paanong paraan binabalak gastusin ang hiling na ₱150 Million confidential funds.
Tinukoy ni Duterte na partikular na tutugunan ng intel funds ng ahensya ang mga kasong kinasangkutan ng mga guro at mga mag-aaral tulad ng iligal na droga, pang-aabuso, extremism at terrorism, pornography at iba pang iligal na gawain.