Natagpuan kahapon sa baybayin ng Purok Maguid sa Barangay Daliao na sakop ng bayan ng Maasim sa Sarangani ang isang patay na Philippine Eagle o Haribon.
Una itong natuklasan ng isa sa mga residente na si Mohammad Joher Ibad kung saan akala nila na isa lamang itong patay na pato o pabo na palutang-lutang sa tubig.
Nang suriin nila ang labi ng ibon ay wala silang nakitang sugat na posibleng sanhi ng pagkamatay nito.
Ipinadala na ito sa Philippine Eagle Center sa Davao City upang sumailalim sa necropsy upang malaman kung paano ito namatay.
Batay naman sa report ng DENR SOCCSKSARGEN, tinatayang nasa apat hanggang lima oras na itong patay bago natagpuan.
Ang Philippine Eagle ay ang pambansang ibon ng Pilipinas at kabilang sa listahan ng mga critically endangered animals kung saan tinatayang nasa 400 na pares na lamang ang natitira sa wild.