Natunton na ng Quezon City Police District (QCPD) ang itim na van na nag-viral sa social media kaugnay sa umano’y tangkang pagdukot sa isang babaeng estudyante.
Ayon kay QCPD Director, PBGen. Nicolas D. Torre III, gawa-gawa lamang ang naturang FB post sa layuning makakuha ng maraming views.
Sa follow up operations ng Talipapa Police Station, natunton ang nag-post ng sinasabing abduction incident.
Kinilala ni PBGen. Torre ang source ng post na si Marichu Ramos, college student.
Batay sa post, bandang 12:30 noong August 26, naglalakad umano ang biktima sa harap ng St. Catherine College sa kahabaan ng Quirino Highway sa kanto ng Tandang Sora Avenue, Barangay Sangandaan nang sumulpot ang itim na van saka bumaba ang dalawang lalaki na nakasuot ng bonnet.
Nagawa umanong manlaban ng biktima at nakatakas.
Pero nang suriin umano ang CCTV sa nabanggit na lugar, wala namang nahagip na ganoong pangyayari sa nabanggit na petsa at oras.
Ani Torre, umamin mismo si Ramos na inimbento lamang niya ang istorya dahil sa nararanasan niyang depresyon.
Payo ng District Director sa publiko, huwag agad magpapaniwala sa mga kwento ng mga pagdukot na makikita sa social media.
Maging mapagbantay at isumbong sa QCPD ang mga kahina-hinalang kilos ng masasamang loob.