Umarangkada na ang pilot episode ng radio program na “Nutrisyon mo, Sagot ko!” ng National Nutrition Council sa DZXL 558 – RMN Manila noong Biyernes, August 04, 2023.
Tinalakay sa unang episode ng mga host na sina Department of Health Assistant Secretary at National Nutrition Council Executive Director Azucena “Apet” Dayanghirang at Radyoman Mare Yao ang epekto ng pagkakaroon ng maayos na nutrisyon sa kalusugan ng pamilyang Pilipino.
Dito ikinuwento ni Ms. Evelyn Martinez ng Cabuyao, Laguna ang mga kinaharap nitong pagsubok pagdating sa nutrisyon ng kanyang pamilya sa panahon ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Ms. Martinez, dahil sa pandemya, nalimitahan ang pagbibigay niya ng tama at wastong pagkain sa kanyang mga anak, nakaranas din siya ng stress at naapektuhan ang kanyang mood dahil sa mga alalahanin sa buhay.
Dahil sa COVID-19 pandemic, maraming mamamayan ang nakaranas ng food insecurity, tumaas ang obesity rate dahil sa pagkain ng mga hindi masusustansyang pagkain, kakulangan sa physical activity, tumaas ang mga kaso ng mental stress at anxiety, dumami ang mga gumamit ng mga gadgets at online games kaya bumaba ang kakayahan na labanan ang mga sakit.
Bunsod nito, nagbigay ang program ng tips kay Ms. Evelyn at sa mga listener kung paano malalampasan ang mga ganitong pagsubok.
Sa pamamagitan ng guest expert na si National Nutrition Council – National Capital Region Nutrition Program Coordinator Ms. Milagros Elisa Federizo, binigyang-diin nito na ang “nutrisyon ay pundasyon ng ating kalusugan” kaya mahalaga ang tama at sapat na nutrisyon sa ating kalusugan.
Ayon kay Ms. Federizo, makakamit ang wastong nutrisyon sa pamamagitan ng pagkain ng tamang uri at dami ng pagkain sa tamang oras at ang pagkakaroon ng healthy lifestyle tulad ng sapat na oras ng tulog at pahinga, pagpapanatili ng tamang timbang, regular na pag-eersisyo at pag-iwas sa pag-inom ng alak at paninigarilyo.
Mainam din aniya na sundin ang mga programang pangkalusugan ng NNC tulad ng “Pinggang Pinoy” na tumutulong sa mga Pilipino na magkaroon ng healthy eating habits at meal times at ang nutritional guidelines na “10-Kumainments”
Giit ng NNC-NCR guest expert, kapag tama ang ating nutrisyon, tama ang ating timbang, masaya, malusog at malayo sa sakit, masigla at produktibo tayo ay na-eenjoy natin ang ating pamumuhay, nagiging positibo sa sarili, sa buhay at sa pangkalahatan.
Kaya dapat nating tandaan, ang nutrisyong tama at sapat ay dapat para sa lahat!