Mahigit P4.14 milyong halaga ng cash, education, at livelihood assistance ang ipinagkaloob ng Kamara sa pamilya ng anim na sundalong nasawi at anim na nasugatan sa pakikipagbakbakan sa teroristang grupong Dawlah Islamiyah-Maute sa Lanao del Norte noong Pebrero 18.
Ang nabanggit na tulong ay mula sa personal calamity at emergency fund ni House Speaker Romualdez bilang pagtalima sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na tulungan ang naturang 12 magigiting na sundalo.
Ayon kay Deputy Majority Leader for Communications at ACT-CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo, bukod dito ay magbibigay din ang Department of Social Welfare and Development, Department of Labor and Employment at Commission on Higher Education ng livelihood at educational assistance sa mga biktima at kanilang dependent.
Sabi ni Tulfo, ang pamilya ng mga nasawing sundalo ay binigyan ng hindi bababa sa P400,000 tulong na binubuo ng P300,000 cash assistance, P30,000 educational aid sa bawat anak, at P100,000 na livelihood assistance.
Ang anim na sundalong sugatan naman ay nakatanggap ng P150,000 cash aid, P30,000 educational aid sa bawat anak, at P100,000 livelihood assistance.
Nauna rito ay sinabi ni Speaker Romualdez na inatasan siya ni Pangulong Marcos na tulungan ang pamilya nina Corporal Rey Anthony Salvador, Corporal Reland Tapinit, Corporal Rodel Mobida, PFC. Arnel Tornito, Pvt. Micharl John Lumingkit, at Pvt. James Porras na nasawi sa pakikipagbakbakan sa mga terorista.
Binanggit ni Romualdez na kasamang pinabibigyan ni Pangulong Marcos ng tulong ang mga sugatang sundalo na sina Corporal Jaymark Remotigue, Corporal Ernil Quiñones, Corporal Rey Mark Limare, PFC. Marvien Aguipo, Pvt. Amiril Sakinal at Pvt. Nazareno Provido.