
Naisumite na ng Office of the Solicitor General (OSG), na syang legal counsel ng Kamara, ang hinihingi ng Kataas-taasang Hukuman na dagdag na mga impormasyon ukol sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon sa tagapagsalita ng Kamara na si Atty. Princess Abante, isinumite ito ng OSG electronically sa Philippine Judiciary Portal habang ang hard copy ay pormal nitong dadalhin sa high tribunal sa Lunes.
Diin ni Abante, sa impormasyon na isinumite ng Kamara sa Supreme Court ay pinapatunayan na sumunod sa Konstitusyon ang buong proseso ng impeachment.
Kasama rito ang paghahain ng apat na impeachment complaints, pagpirma, at pagberipika ng higit sa one-third ng mga Kongresista sa ikaapat na complaint na kinapapalooban ng articles of impeachment na ipinadala sa Senado.
Siniguro din ni Abante na nabigyan ng proteksyon sa buong proseso ang karapatan para sa due process ng bise presidente at mayroon syang oportunidad na ipagtanggol ang sarili at magpresenta ng mga ebidensya sa gagawing paglilitis ng impeachment court.









