Kampanya laban sa online movie piracy, hiniling na palakasin ng isang mambabatas

Hinikayat ni Quezon City Rep. Alfred Vargas na paigtingin pa ang kampanya laban sa movie piracy sa online.

Ang panawagan ng kongresista ay kasunod na rin ng napaulat na mga kaso ng online piracy nito lamang 2020 Metro Manila Film Festival (MMFF).

Giit ni Vargas, mas lalong lumala ang pamimirata ng pelikula sa bansa mula nang mailagay ito sa online.


Dahil dito ay nanganganib namang mawala ang industriya at kabuhayan ng libu-libong movie workers.

Upang masawata ang paglaganap ng movie piracy ay pinakikilos ng kongresista ang House Committtee on Creative Industry and Performing Arts na silipin ang isyu ng online piracy sa nagdaang film festival.

Paliwanag dito ng mambabatas, babalik din sa mga consumers ang epekto ng movie piracy dahil mawawalan na ng gana ang mga producers na gumawa ng pelikula at posibleng hindi na tayo makapanood pa ng mga magagandang pelikula.

Batay sa 2020 survey ng Coalition Against Piracy, nasa 49% ang incidence rate ng movie piracy online sa Pilipinas, habang bumaba naman ang movie piracy sa Malaysia na nasa 22% at Indonesia na nasa 28%.

Facebook Comments