Isinumite na ngayong araw ng Partido Federal ng Pilipinas o PFP ang kanilang Statement of Contribution and Expenditures o SOCE para sa katatapos lang na Eleksyon 2022.
Personal na inihain ni Atty. Rico Alday, legal officer ng PFP ang 400-pahinang SOCE sa Commission on Elections o COMELEC-Campaign Finance Office sa Intramuros, Maynila kaninang umaga.
Nauna nang idineklara ng PFP na aabot sa P272 milyon ang kanilang nagastos para sa kampanya ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa nakalipas na halalan.
Ayon kay Atty. Alday, ang pinakamalaking bahagi na nagastos ng PFP ay para sa political advertising sa telebisyon, habang ang ibang gastos ay sa campaign rally expenses.
Ang kabuuang nagastos ay mas mababa kumpara sa “maximum expenditure” na P337 milyon na pinapayagan ng batas para sa isang national political party.
Ang naturang SOCE ay pirmado ni PFP National Treasurer Antonio Ernesto “Anton” Lagdameo na itinalaga rin ni incoming President Marcos bilang Special Assistant to the President sa kaniyang administrasyon.
Nilinaw naman ni Atty. Alday na ang inihain ng PFP na SOCE ay para sa kanilang partido.
Batay sa Omnibus Election code, ang deadline sa pagsumite ng SOCE sa naturang pollbody ay hanggang June 8 o eksaktong 30 araw matapos ang araw ng halalan.