Magpapatuloy pa rin ang kaso laban sa film director na si Jade Castro at tatlo nitong kasamahan na sangkot umano sa panununog ng modern jeepney sa Catanauan, Quezon.
Ito ang nilinaw ng Philippine National Police (PNP) sa kabila nang desisyon ng korte na palayain si Castro at kanyang mga kasamahan dahil kwestyonable umano ang pagkakaaresto sa kanila ng pulisya sa pamamagitan ng hot pursuit operation.
Ayon kay Police Regional Office 4A Regional Director Police Brig. General Paul Kenneth Lucas sa kabila ng pagpapalaya ng korte sa mga suspek, pinahintulutan nito ang pagsusulong ng kasong destructive arson na inihain ng prosekusyon laban sa kanila.
Binigyang diin pa ni Lucas na hindi nakakaapekto sa determinasyon ng PNP ang naging desisyon ng korte dahil pursigido silang makamit ang hustisya.
Kasunod nito, tiniyak ng PNP na susundin ang legal na proseso sa pagsasagawa ng case-build up para mapanagot ang mga responsable sa krimen.