Sinampahan ng kasong kriminal sa City Prosecutor’s Office si Quezon City Police District Director PBGen Remus Medina at lima pang opisyal nito matapos balewalain ang umiiral na kautusan ng korte para sa patuloy na operasyon ng Peryahan ng Bayan ng Globaltech Mobile Online Corporation.
Batay sa reklamong kriminal na inihain ni Atty. Bernard D. Vitriolo, vice president for Legal Affairs ng Globaltech, nahaharap sa mga kasong coercion, threat at intimidation si QCPD Director Remus, gayundin sina PCOL. Fernando Ortega, PCOL. Ellezar Matta, PCOL. Redrico Maranan, PCOL. Olazo at PLT. Melgar Devaras.
Sa kaso na isinampa noong April 21, binigyang diin ng Globaltech ang direktang paglabag ni Remus sa karapatan ng kompanya na ipagpatuloy ang operasyon nito na ginagarantiyahan ng status quo ante order na iniutos ni Presiding Judge Nicanor A. Manalo, Jr. ng Pasig Regional Trial Court Branch 161 noong Mayo 17, 2016.
Batay sa rekord, ang naturang kautusan ay kinatigan din ng Court of Appeals (CA) matapos utusan ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na patuloy na magpadala ng opisyal na kinatawan para sa PNB draw ng Globaltech.
Matatandaan na batay sa CA – G.R. SP No. 151727 at CA – G.R. SP No. 154056 noong Enero 14, 2019 ay nabigo ang petition for certiorari na inihain ng PCSO upang kanselahin ang operasyon ng Globaltech at unanimous na kinatigan ng Court of Appeals ang inilabas na status quo ante order ng Pasig RTC.
Maliban dito, kamakailan lamang, maging ang Office of the City Attorney ng lungsod Quezon ay nagbigay na rin ng opinyon na nararapat lamang na kilalanin ng Globaltech at PCSO ang umiiral na status quo ante order hanggat walang resulta ang kanilang arbitration proceedings.
Idinagdag pa ng Globaltech na hindi kinilala ng puwersa ng kapulisan ang utos ng korte sa ginawa nitong pagpasok at pagpapasara sa Peryahan ng Bayan ng Globaltech sa Timog Quezon City noong April 19, 2022.