Simula kahapon, isang linggong magsasagawa ng kilos protesta ang ilang transport group at mga militanteng grupo sa gitna pa rin ng walang prenong taas presyo sa produktong petrolyo.
Ayon sa grupong AnakPawis, layon nitong ipaalala sa pamahalaan na pananagutan nila ang nararanasang krisis ng mga Pilipino.
Iba’t ibang aktibidad naman ang kanilang inilatag para sa buong linggo kung saan kahapon ay sinimulan ito sa isang candle lighting at kilos protesta sa isang gasolinahan sa Quezon City.
Habang ngayong umaga, plano nilang gumawa ng human chain sa lungsod ng Maynila bago magdaos ng noise barrage sa iba pang lugar sa mamayang tanghali.
Bukas naman ay magkakaroon sila ng rally sa harapan ng tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang kwestiyunin ang hindi pa naipamimigay na tulong pinansiyal para sa PUV drivers.
Kasunod nito, kakalampagin din nila ang Department of Labor and Employment (DOLE) para sa hiling na umento sa sahod at ang tanggapan ng Meralco para kwestiyunin din ang patuloy na pagtaas naman ng singil sa kuryente.
Ayon naman sa Piston, magtitipon sila mamaya sa isang gasolinahan sa Maynila habang titigil din sa biyahe ang ilang truckers.