Obligasyon ng kumpanya na nagmamay-ari sa lumubog na barko na MT Princess Empress na tulungan ang mga mamamayan sa Oriental Mindoro na naperwisyo ng oil spill.
Ito ang paalala ni Senate Majority Leader Joel Villanueva dahil hanggang ngayon ay patuloy pa ring naghihintay ang mga Mindoreños sa mga tulong na maibibigay sa kanila ng RDC Reield Marine Services.
Paliwanag ni Villanueva, mayroong tinatawag sa batas na ‘just compensation’ o kabayaran para sa pinsalang idinulot na dapat maibigay ng kumpanya sa mga pamilyang apektado ng pagtagas ng langis.
Pinatitiyak naman ni Villanueva sa lokal na pamahalaan ng Mindoro na hindi mapapapirma ng sapilitan ang mga residente para makipagkasundo sa nasabing kumpanya dahil maaaring maloko ang mga ito.
Giit pa ng mambabatas, hindi utang na loob ng mga residente kung matulungan man sila at ito ay responsibilidad na kailangang ibigay ng kumpanya dahil sa laki ng perwisyong idinulot ng lumubog na barko.
Pinakikilos ng senador ang pamahalaan at ang Local Government Units (LGUs) para siguraduhing mapoprotektahan ang karapatan ng mga mangingisda, mga pamilya at mga residenteng naapektuhan ng oil spill kasabay ng pagtiyak na maipapatupad ng husto ang batas at maibibigay ang nararapat sa mga Mindoreños.