Na-cremate na ang labi ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III na pumanaw dahil sa renal disease secondary to diabetes.
Ayon kay Kris, sa Sabado, June 26 ay ililibing ang kaniyang Kuya Noy sa tabi ng kanilang mga magulang sa Manila Memorial Park sa Parañaque City, at magkakaroon ng arrival honors at 21-gun salute.
Aniya, dadalhin muna ngayong araw ang urn ni PNoy sa Ateneo de Manila University para sa isang misa.
Magkakaroon ng isang araw na public viewing sa lalagyan ng abo ni dating Pangulong Aquino sa Church of the Gesu sa loob ng Ateneo campus.
Gaganapin ito mula alas-10:00 ng umaga hanggang alas-10:00 ng gabi, pero alinsunod pa rin sa health protocols ng pamahalaan.
Kasabay nito, nagpasalamat naman si Kris kay Pangulong Rodrigo Duterte sa sinseridad ng pakikiramay nito.
Gayundin sa lahat ng tumulong at lahat ng nakiramay sa pamilya Aquino.
Nagpapasalamat din ni Kris sa kanyang Kuya Noy na nagkaayos sila bago pumanaw ang dating lider.
Samantala, magsasagawa muli ng misa para sa dating pangulo alas-5:00 ng hapon at alas-8:00 ng gabi.
Magkakaroon naman ng funeral mass sa Church of Gesu, bukas alas-10:00 ng umaga na pangungunahan ni Archbishop Socrates Villegas.