Inihahanda ng administrasyong Lacson ang muling pagbisita sa mga revenue laws at pagtuklas ng mga alternatibong mapagkukunan ng enerhiya upang matugunan ang mga problemang dulot ng walang tigil na pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Ayon kay Partido Reporma Chairman at presidential bet Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Miyerkules, ito ang mga solusyon na maaaring ituring na “doable.”
Aniya, isa sa mga opsyon ang muling pag-aaral ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law para suspendihin ang pagpapatupad ng pagtaas ng excise tax sa gasolina, sa rekomendasyon ng Development Budget Coordination Committee (DBCC).
“Malaking bagay ang pag-suspend ng tax rate at ibinalik sa rate kung saan ang araw na na-suspend, hindi na aakyat. ‘Yan, isang magandang solusyon,” sabi ni Lacson sa isang panayam.
Sa kasalukuyan, umabot na sa $90 ang presyo ng langis kada bariles sa pandaigdigang merkado.
Malaking tulong aniya sa mga motorista at iba pa na ang kabuhayan ay nakasalalay sa presyo ng langis ang pag-suspinde sa rate ng buwis.
Samantala, sinabi ni Lacson na pangalawang opsyon ay ang paggalugad sa mga alternatibong pinagmumulan ng enerhiya, kabilang ang joint exploration sa ating exclusive economic zone sa West Philippine Sea. Ito ay sa tulong ng ibang mga bansa dahil kulang ang mga kagamitan ng Pilipinas para gawin ito nang mag-isa.
Paglilinaw ni Lacson, ito ay hangga’t ang dayuhang kasosyo ay sumusunod sa ating Konstitusyon na ang Pilipinas ay may hindi bababa sa 60-porsyento na equity.
“Pag sila sumang-ayon sa ating Saligang Batas na joint endeavor at 60-40, ibig sabihin subliminally kinikilala nila na sa atin ‘yan,” dagdag niya.
Samantala, sinabi ni Lacson na ang iba pang solusyon ay maaaring mangailangan ng higit pang pag-aaral, kabilang ang pag-regulate sa industriya ng langis, dahil maaaring kulang sa pondo ang gobyerno para ma-subsidize ang presyo ng gasolina.