Target ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na masimulan na rin ang pamamahagi sa ikalawang tranche ng fuel subsidy ngayong buwan o sa Hulyo.
Ayon kay LTFRB executive director Tina Cassion, inihahanda na nila ang mga dokumento para mai-request sa Department of Budget and Management (DBM) ang pondo para rito.
Nabatid na nasa ₱5 bilyon ang pondong ilalaan ng pamahalaan para sa second tranche ng fuel subsidy na mas malaki sa ₱2.5 billion na inilaan sa unang tranche.
“Ngayon kasi ₱2.5 billion ‘yong first tranche, ang sabi ng DOTr sa atin na merong ₱5 billion po na ilalaan from the unprogrammed funds para rito sa second tranche,” ani Cassion sa interview ng DZXL558 RMN Manila.
“Aasahan po natin na sana by last week of June o early July po masimulan na natin yung pamamahagi,” dagdag niya.
Kumpiyansa naman si Cassion na mas magiging mabilis ang pamamahagi sa second tranche ng fuel subsidy dahil halos lahat ay mayroon nang Pantawid Pasada Card.
Umaasa rin ang opisyal na makakatulong ang karagdagang subsidiya para makabalik sa pamamasada ang mga jeepney driver.
Samantala, dinepensahan din ni Cassion ang hindi pagtanggap ng LTFRB sa deed of sale bilang valid requirements na idinadahilan ng mga transport group kaya marami sa kanila ang hindi pa rin nakatatanggap ng ayuda.
Paliwanag niya, maaari silang makasuhan ng technical malversation dahil malinaw na nakasaad sa batas na tanging mga kwalipikadong franchise owner lang ang dapat na mabigyan ng fuel subsidy.
“Pwede naman nating tanggapin for purposes lang ng ayuda na, mag-presinta kayo ng deed of sale at special power of attorney of the original owner. Kasi in the eyes of the law, walang karapatan ‘yong kung sinuman yung na-transfer-an [ng prangkisa] na ngayon kasi hindi naman nakapangalan sa kanya yung prangkisa at nakasaad nga po na yung pagbibigyan ay yung qualified franchise owner po,” paliwanag ni Cassion.
“Tali din po talaga kasi yung kamay ng LTFRB kasi kami naman po yung tatamaan. These are public funds… Hindi naman po kung sino-sino lang ‘yong pagbibigyan dahil mate-technical malversation naman po tayo,” punto pa niya.
Una nang umapela ang mga jeeney driver at operator na paluwagin ang requirements sa pagkuha ng fuel subsidy.