Liderato ng Kamara, suportado ang pagbaba sa Alert Level 2 ng NCR

Suportado ng liderato ng Kamara na luwagan na ang COVID-19 restrictions sa National Capital Region (NCR) sa gitna na rin ng patuloy na pagbaba ng mga kaso ng sakit sa rehiyon.

Ayon kay Speaker Lord Allan Velasco, sinusuportahan nila ang pagbaba ng Metro Manila lockdown sa Alert Level 2 dahil mangangahulugan ito ng mas malawak na pagbubukas ng ekonomiya.

Inaasahan ni Velasco na magbubukas ang mas maraming negosyo, gayundin ang pagtaas ng kapasidad ng operasyon na magreresulta sa pagbabalik trabaho at pagkakaroon muli ng kita ang mga Pilipino.


Dahil din sa agresibong vaccination campaign ng gobyerno ay nagbigay aniya ito ng sapat na proteksyon laban sa banta ng “surge” o pagakyat ng COVID-19 cases.

Para naman mapanatili ang “momentum” sa vaccination efforts ng pamahalaan, umaapela ang lider ng Mababang Kapulungan sa Inter-Agency Task Force (IATF) na suriin ang pagiging epektibo ng bawat brand ng COVID-19 vaccine para maabisuhan ang mga kababayan kung kailan nila kinakailangang makatanggap ng booster shots.

Iginiit pa ng kongresista na ang pagpapabakuna lamang din ang tanging paraan upang matiyak ang kaligtasan ng lahat habang unti-unti tayong bumabalik sa normal na pamumuhay.

Facebook Comments