Lingguhang disinfection sa tanggapan ng COMELEC, isasagawa

Simula sa Biyernes, July 3, 2020, uumpisahan na ng Commission on Elections (COMELEC) ang lingguhang disinfection sa kanilang mga opisina.

Ayon sa tagapagsalita ng COMELEC Spokesperson na si James Jimenez, isasagawa ang disinfection and decontamination activities kada araw ng Biyernes bilang pagsunod sa Memorandum Circular ng Civil Service Commission (CSC) at health protocols ng Department of Health (DOH).

Inabisuhan ang publiko na wala munang transaksyon sa lahat ng opisina at departamento ng COMELEC sa Intramuros sa Maynila tuwing Biyernes para magbigay-daan ang kinakailangang paglilinis bilang parte ng safety measures kontra COVID-19.


Kabilang sa mga isasailalim sa disinfection activities ay ang main office sa Palacio Del Gobernador kasama ang COMELEC Annex and Shipping Center Building at National Central File Division ng Election Registration and Statistics Department sa FEMII Building at Offices of the Regional Election Director ng National Capital Region, Region IV-A at Region IV-B, na matatagpuan din sa nabanggit na Building.

Bukod sa mga gusali, pasilidad at opisina ng COMELEC, pati ang mga sasakyan nila ay sasailalim sa proper disinfection at decontamination upang masiguro ang kaligtasan ng mga personnel.

Tinitiyak naman ng COMELEC na hindi maaapektuhan ang paghahatid ng serbisyo sa publiko habang gumagawa sila ng mga hakbang para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

Facebook Comments