
Tuluyan nang kinansela ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya para magmaneho ng isang truck driver na sangkot sa malagim na karambola sa Marikina na ikinamatay ng tatlong indibidwal at pagkasugat ng sampung katao.
Ayon kay LTO Chief Atty. Vigor Mendoza II, napatunayang guilty sa reckless driving ang naturang truck driver matapos na di nila tanggapin ang alibi nito na may problema sa brake o preno ang sasakyan.
Matatandaan na noong April 23, 2025, hindi kinaya ng isang trailer truck ang paakyat na bahagi ng kalsada kaya naatrasan ang ilang mga sasakyan habang nadaganan ang iba pa matapos na tumagalid ang dalang container van.
Nagpasya na rin ang LTO na isailalim sa alarma ang mismong truck.
Inatasan naman ng LTO ang mga law enforcement officers na sitahin o hulihin ang truck driver sakaling makita itong magmamaneho ng anumang sasakyan.
Tiniyak naman ng LTO na patuloy silang kumikilos para sa kaligtasan sa mga lansangan.
Kabilang dito ang regular na inspeksyon sa mga truck na dumadaan sa mga pangunahing kalsada tuwing gabi.









