Listahan ng mga nanalo sa e-lotto, isinumite na ng PCSO sa Senado

Isinumite na ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) kay Senator Raffy Tulfo ang listahan ng mga nanalo sa jackpot ng lotto mula Enero 2023 hanggang Enero ng 2024.

Ginawa ng PCSO ang pagsusumite ng listahan sa pagdinig ng Committee on Games and Amusement alinsunod na rin sa subpoena duces tecum ng Senado.

Ayon kay Atty. Lyssa Grace Pagano, Chief of Staff ng PCSO General Manager, nakapaloob sa isinumiteng envelope ang listahan ng pangalan ng lotto winners at ang lotto games na kanilang napanalunan.


Kasama rin sa isinumite ang tinatawag na alpha list o record ng buwis na binayaran ng mga nanalo sa lotto mula July 1, 2023 hanggang December 2023.

Ipagkukumpara ang listahan ng mga nanalo sa binayaran nilang buwis kung nagtutugma ito at para mapatunayan na totoong tao ang nanalo ng lotto.

Samantala, humarap naman sa Senado ang ilang lotto agents tulad ni Clarissa Imperial na kabilang sa 2,000 na nawalan ng trabaho matapos na lumipat sa bagong system ang PCSO at aniya’y patuloy pa rin silang nagbabayad ng renta na P10,000 kada buwan kahit hindi na sila nakakapag-operate.

Facebook Comments