Umapela ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Department of Budget and Management (DBM) na ilabas na rin ang ang pondo para sa Service Contracting Program.
Ayon sa LTFRB, malaki ang maitutulong ng nasabing programa sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina dahil parehong makikinabang dito ang mga pasahero, operator at driver.
Sa nasabing programa, magbibigay ng libreng sakay ang mga PUV driver sa mga commuter at sila naman ay babayaran ng gobyerno kada linggo.
Sakop sa magiging bayad ang kanilang gastos sa gasolina, disinfection at monthly amortization.
Sinabi ng LTFRB na hindi sapat ang ₱6,500 fuel subsidy kung kaya’t kasama sa kanilang istratehiya na isunod kaagad ang Contract Service Program na inaasahang mapopondohan ngayong linggo.
Sa ngayon, sinimulan na ng LTFRB ang pamamahagi ng fuel subsidy sa public utility vehicle drivers.