LTO, tiniyak na ang mahigpit na pagpapatupad ng AO ni PBBM laban sa paggamit ng mga sirena, blinkers

Inatasan ni Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II ang lahat ng regional directors nito na makipag-ugnayan sa mga tanggapan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa kani-kanilang lugar.

Ito ay para sa mandatory na pagtanggal ng mga sirena, blinker at mga katulad na device na nakakabit sa mga sasakyan na hindi awtorisadong gamitin.

Alinsunod na rin ito sa Administrative Order 18 na inilabas ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.


Katanggap-tanggap sa LTO ang pag-isyu ng AO.

Ani Mendoza, ang LTO ay dati nang tumatanggap ng mga reklamo, lalo na mula sa mga netizens, tungkol sa mga alegasyon ng mga pang-aabuso na ginawa ng mga sasakyan na may mga sirena at mga blinker.

Paliwanag ni Mendoza, pakay ng koordinasyon na magkaroon ng accounting ng government-owned at private motor vehicles na pag-aari ng government employees at officials na may sirena, blinker at iba pang katulad na device ngunit hindi kasama sa listahan ng mga pinapayagang gumamit ng mga ito sa ilalim ng AO 18.

Sa ilalim ng Section 2 ng AO 18, pinapayagan lang ang mga motor vehicles na itinalaga para sa opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP), National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP), gayundin ng mga fire trucks, hospital ambulances at iba pang emergency vehicles.

Sinabi ni Mendoza na sila ay nakikipagtulungan ngayon sa Department of Transportation (DOTr) sa koordinasyon sa iba pang mga ahensya na may kaugnayan para sa review at evaluation at pag-update ng mga umiiral na patakaran at mga alituntunin upang matiyak ang epektibong pagpapatupad ng AO.

Sa bahagi ng mga pribadong sasakyan, sinabi ng LTO chief na sila ay nakikipagtulungan na ngayon sa Philippine National Police at iba pang law enforcement agencies upang mahuli ang mga lumabag.

Facebook Comments