Problema sa mababang sahod ang itinuturong dahilan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) kaya kulang sila ng mga tax collectors, accountants at abogado sa tanggapan.
Sa pagdinig ng Senado sa budget ng Department of Finance at iba pang attached agencies, tinukoy ni Senator Sherwin Gatchalian na sa mahigit 11,700 na mga bakanteng posisyon, mahigit 7,700 dito ay unfilled positions sa BIR.
Aminado si BIR Commissioner Romeo Lumagui na nahihirapan sila sa pagre-recruit ng mga tauhan lalo na sa mga lalawigan dahil sa mababang sweldo sa BIR kung ikukumpara sa ibang ahensya ng gobyerno at pribadong sektor.
Inihalimbawa nito ang entry-level na sahod para sa kanilang abogado na aabot lamang sa P27,000 kada buwan gayong ang entry-level na sahod sa mga abogado sa ibang ahensya tulad sa civil service ay aabot na sa P51,000 kada buwan.
Dahil sa problemang ito, malaki aniya ang bilang ng mga unfilled positions lalo sa mga tanggapan ng BIR sa probinsya dahil mas gusto ng mga taga doon na sa Metro Manila na lamang magtrabaho.
Binigyang diin ni Lumagui sa subcommittee on Finance na kailangang-kailangan nila ng suporta para sa adjustment ng sweldo dahil makakatulong aniya ito para makahimok ng maraming talents lalo na ng mga accountants at abogado.
Sinuportahan naman ni Gatchalian na itaas ang sahod ng mga BIR personnel dahil kung patuloy na mababa ang sweldo ay hindi malabong matukso ang mga ito sa korapsyon at iba pang katiwalian.