Mahigit sa isang milyong piso na halaga ng shabu ang nasabat ng mga tauhan ng Municipal Drug Enforcement Team (MDET) mula sa mag-live-in partner na sina alyas ‘Karyo’ at ‘Edelyn’ na naaresto sa Rodriguez, Rizal.
Ayon sa ulat, dinakip ang mga suspek sa dike-2, Barangay Balite, Rodriguez, Rizal kagabi matapos makabili ng isang pakete ng shabu ang isang pulis na umaktong poseur buyer.
Narekober sa mga suspek ang 10 pakete at isang ice bag na naglalaman ng shabu na may halagang ₱1,020,000, buy-bust money at dalawang pouch.
Ayon kay Rizal Provincial Director PCol. Felipe Maraggun, ang mag-live-in partner ay dati nang naaresto sa kasong iligal na droga subalit nang makalaya ay muling bumalik ang mga ito sa iligal na gawain.
Aniya, ang matagumpay na pagkakaaresto sa mga suspek ay bunga ng pinaigting na kampanya ng Rizal PNP laban sa lahat ng uri ng kriminalidad.
Kanya ring binigyang diin na hindi sila titigil sa pagsugpo ng iligal na droga sa lalawigan.
Ang mag-live-in partner ay mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.