Isa sa dahilan na nakikita ng Bureau of Treasury sa pagbaba ng debt-to-Gross Domestic Product o GDP ratio ay dahil sa magandang performance ng ekonomiya ng bansa.
Inihayag ito ni Bureau of Treasury Deputy Treasurer Atty. Erwin Sta. Ana sa Laging Handa briefing.
Paliwanag niya ang debt-to-GDP ratio ay kinukumpara ang lebel ng pagkakautang ng pamahalaan sa kinikita ng ekonomiya ng Pilipinas.
Lahat aniya ng goods and services na pinu-produce ng ekonomiya ay kinukumpara ang lebel ng pagkakautang kaya kung mas mababa aniya ang debt-to-GDP ratio, ibig sabihin ay mas may kakayahan ang bansa sa pagbabayad ng pagkakautang.
Mas maganda aniya kapag bumababa ang debt-to-GDP ratio, dahil mas maraming mga productive spending na puwedeng gawin ang gobyerno para punan ang mga pangangailangan at mga programa ng pamahalaan.
Bukod naman sa magandang performance ng ekonomiya na nagresulta sa pagbaba ng debt-to-GDP ratio ng Pilipinas ay dahil may mga utang ang Pilipinas na nag-mature na tapos nang bayaran at dahil gumanda na rin ang exchange rate ng peso kontra dolyar.
Batay sa ulat ng Bureau of Treasury, sa third quarter ng taong 2022 ay nasa 63.7% ang debt-to-GDP ratio ng Pilipinas pero sa katapusan ng taong 2022 bumaba ito sa 60.9 percent nalang.