Sinita ni Senator Sherwin “Win” Gatchalian ang nagbabanggaang pahayag ng mga opisyal ng Procurement Service – Department of Budget and Management (PS-DBM) kaugnay sa ligal na basehan ng pagbili ng overpriced na laptops na nakalaan para sa public school teachers.
Sa ika-apat na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ukol sa mga overpriced na laptops, itinuro ni PS-DBM Officer Ulysses Mora na si dating PS-DBM OIC Jasonmer Uayan ang nagbigay ng go-signal para i-post na ang imbitasyon sa pag-bid ng laptop suppliers.
Sinabi ni Mora na dahil mayroon na lamang 51 araw para magsagawa noon ng procurement ay napilitan siyang kumuha ng clearance kay Uayan kahit hindi pa pinal ang 2021 Memorandum of Agreement (MOA) para sa procurement ng laptops.
Nakwestyon ni Gatchalian si Uayan kung ano ang naging basehan ng utos nito para ituloy ang bidding gayong wala pang final na MOA.
Ayon kay Uayan, ang 2017 MOA sa pagitan ng PS-DBM at Department of Education (DepEd) at ang 2021 MOA ay maaaring gamitin para sa laptop procurement.
Lumalabas na isa sa pinagbatayan para magpa-bid ay ang 2017 MOA pero sinita ni Gatchalian na hindi ito maaaring gamitin dahil hindi naman nakapaloob sa 2017 MOA ang procurement ng laptops.
Mula rin aniya sa umpisa ay pondo sa Bayanihan 2 ang ginamit sa pagbili ng laptops kaya hindi maaaring gamitin na batayan ang 2017 MOA.
Samantala, sinabi naman ni PS-DBM Executive Director Dennis Santiago na kung ang 2017 MOA ang pinagbasehan sa pagbili ng laptops sa DepEd ay masasabing iligal ang ginawang procurement.