Maharlika Investment Fund, dapat tinalakay munang mabuti bago madaliang ipinasa ayon sa isang kongresista

Isa si Basilan Representative Mujiv Hataman sa anim na bomoto ng “no” sa pagpasa ng House Bill 6608 o Maharlika Investment Fund Bill.

Sa nakita ni Hataman, minadali ang pagpasa ng MIF Bill na sana ay pinadaan sa butas ng karayom at pinag-aralan o tinalakay munang mabuti.

Rason din ni Hataman ang mismong pagkontra sa panukala ng mga opisyal ng administrasyon at mga ekonomista.


Halimbawa aniya si Bangko Sentral ng Pilipinas Gov. Felipe Medalla na nagsabing baka matulad ang MIF sa sovereign wealth fund ng Malaysia na nasangkot sa isa sa pinakamalaking iskandalo ng katiwalian sa buong mundo.

Binanggit din ni Hataman ang pangamba ni Socio-Economic Planning Secretary Arsenio Balisacan sa pag-invest ng pondo ng Landbank at DBP sa MIF dahil hindi magandang ideya na ma-overexpose ang pondo ng dalawang bangko.

Giit ni Hataman, hindi pa nasasagot nang maayos ang napakaraming tanong ukol sa MIF na hindi rin suportado ng feasibility study.

Kabilang dito ang tanong kung kailangan nga ba talaga natin ng isang MIF gayong kumikita naman ang mga indibidwal na ahensiyang bubuo sa pondo nito.

Nais ding malaman ni Hataman kung ano ang magagawa ng MIF na hindi kayang gawin individually ng Bangko Sentral ng Pilipinas at mga government financial institutions na mag-aambag sa pondo nito.

Facebook Comments